Sunday, May 24, 2009

UPDATE

Medyo matagal din akong nawala. Marami na akong na-miss sa blogsphere. Wala na akong update sa mga kaibigan kung blogero maliban sa sumusunod:

AJ of Arabian Josh – Nagkausap na kami ni AJ. Dati pa may plano na kaming mag-EB. Pero para atang wala pang magandang panahon para sa isang EB lalo na’t nai-suggest ni AJ na sa Burj Al Arab kami magkikita. Kakain daw kami ng shawarma. Meron ba doon? Ewan ko di pa kasi ako nakapunta doon. Pero kahit sa phone lang kami nagkausap natitiyak kong isang magandang kaibigan si AJ. Kaya for AJ, salamat at tinuring mo akong isa sa mga kaibigan mo. It was my pleasure talking to you. Ipagpatuloy mo ang iyong ginagawa at alam kong marami ka pang mararating sa buhay. Teka, sa EB natin (ewan ko kung kailan) bigay mo sa akin ang bibliography mo at gagawa ako ng PEBA entry tungkol sa buhay mo.

Sherwin of Tambay sa Dubai – Nagkausap na rin kami ni Sherwin through phone. Our conversation was purely about the job hiring in our company. Alam kong kailangan ni Sherwin ngayon ng trabaho. Gusto ko man siyang tulungan pero hindi ata siya pwede sa company namin. He is over qualified for the position. I myself could not recommend him the job since ang liit talaga ng sahod na ini-offer ng kompanya namin for an experienced CPA like him.

NJ of Desert Aquaforce and The Pope of Palipasan – Nagkaroon na ng bonding and dalawang blogerong ito. Sa una nilang EB sa Qatar, ipinasyal ni Pope si NJ sa buong kingdom and one more thing, ipinakilala din ni Pope si Mrs. Pope kay NJ. Sa ngayon may dalawang couple na ng blogsphere ang alam ko – Si Mr. and Mrs. Thoughtskoto at si Mr. and Mrs. Pope.

Mr. Thoughtskoto of Thoughtskoto – Medyo busy ang bida ng PEBA. Marami na siyang post na hindi ko pa nababasa. Pero huwag kang mag-alala Mr. Thoughtskoto babawi ako. Kailangan ko lang bigyan ng time ang issue na nakatutok sa akin. It’s between life and death kumbaga.

LordCM
of Dungeon LordCM – May entry ka rin pala sa PEBA 2009. Good luck to us, Bro. Salamat pala sa pagpo-post ng job hiring namin sa Thoughtsmoto.

Sa lahat na hindi ko nabanggit (kasi wala akong update at kasi nga wala pa akong time), alam kong nandyan lang kayo sa blogroll and friend connect ko. Hayaan ninyo pag okay na ang lahat sa akin mabibisita ko rin kayo. Happy blogging!

Sunday, May 10, 2009

JOB HIRING: ACCOUNTANT

My company is urgently looking for an Accountant with the following qualifications:


>Must have knowledge in Tally Accounting Package
>Fluent in English (both oral and written)
>Can work independently
>Must be Filipino (male only)
>Can join immediately
>With or without experience in Dubai
>Graduate of Bachelor of Science in Accountancy



Interested applicants please call, 055-7600572.

Note: This is not a paid advertisement.

Friday, May 8, 2009

Si Engineer at ang kanyang Videocam


Kahapon lamang hinikayat ako ng aking mga kaibigan na magpunta sa mall baka daw makabili kami ng mga murang gadgets (mura pero may quality). Sabi ko sa kanila di pa panahon ngayon at malayo pa ang Dubai Shopping Festival – ito ang festivity ng Dubai kung saan ang participating shopping centers ay magbibigay ng mga malalaking diskwento sa mga bilihin. Wala din naman akong ginawa sa bahay kaya nagpasya akong sumama sa kanila at para magkapaglibot na rin.

Tinunton namin ang Dubai Festival Center. Sa aming paglilibot napuna kong may Sale pala ang mga videocam. Gusto ko nang magkaroon ng sariling videocam para may magagamit ako sa panahon ng pangangailangan. Baka kakailanganin ko ito para makapag-post ng video dito sa munti kung tahanan. Isa-isa kong tiningnan ang mga naka-display. Halos lahat ng model magaganda, magagara. Pero may isang model ang nagbigay pansin sa akin na para bang kailangan kong sisiyasating mabuti – isang model na pawang bumubulong sa akin na kailangan ko siyang bilhin. Humingi ako ng paumanhin sa Saleslady para mahawakan at mai-test ito. Nang mahawakan ko ito doon ko lang naalala na minsan na pala akong nagkaroon ng ganitong model.

Mahigit dalawang taon na ang nagdaan. Pinuntahan ako ng aking kaibigang si Jimmy para magsangla ng isang videocam. Kailangan daw ni Engineer ng pera. Hindi ko kilala ang nasabing Engineer. At hindi ko rin kailangan ng videocam. Tinanggihan ko si Jimmy pero nagpumilit siyang maisangla ito kasi hindi daw niya matanggihan si Engineer. Labag man sa kalooban ko at dahil sa hindi ko rin matanggihan si Jimmy (malaki kasi ang naitulong niya sa akin at ng aking kapatid) binayaran ko na ito sa kondisyon na pagkaraan ng dalawang buwan kailangan na niya itong tubusin.

Curios ako kay Engineer. Sa pagkakaalam ko kumikita ng malaki ang mga enhenyero sa Dubai. Bakit kailangan pa niyang magsangla ng mga bagay sa kunting halaga? Diba sapat ang kanyang kinikita? Ito’y mga karaniwang tanong lamang ng munti kong isipan. Kaya kinausap ko si Jimmy na kung maari ipakilala niya ako kay Engineer at nang makilala din niya ang taong may hawak ng kanyang videocam. Dinala ako ni Jimmy sa bahay ni Engineer.

Noon ko nalaman na si Engineer pala ay kumukupkop ng mga visit visa – mga Pilipinong napadpad sa Dubai na hindi siniswerte, hindi pa nakahanap ng trabaho, mga walang pera, walang pambayad sa bahay, at napabayaan na ng mga taong nag-sponsor sa kanilang visit visa. Hindi madali ang ginawa ni Engineer. Sabi niya, sa kasalukuyan daw meron siyang pitong inalagaang visit visa. Kaya daw niya pinasangla kay Jimmy ang kanyang videocam ay para daw maitustos sa isang alaga nitong nag-expire na ang visa at kailangang mag-exit muna ng Kish Island.

Nakakapintig damdamin ang kwento ni Engineer. Ang magkupkop ng mga taong di kaanu-ano, patitirahin mo sila ng libre sa bahay mo na alam mong ang mahal mahal ng renta nito – libreng pagkain at kahit mga personal na gamit ay ipu-provide mo sa kanila.

Dito sa Dubai bihira lang ang mga taong kasing bait ni Engineer. Nagtatrabaho hindi lamang para sa kanyang sarili, hindi lamang para sa kanyang pamilya kundi pati na rin sa mga taong nangangailangan ng tulong. Naway dadami pa ang katulad niya.

Note: This is an entry to PEBA 2009. Follow this link to visit PEBA's main page.

Tuesday, May 5, 2009

BUHAY OFW, MAGKAPAREHO BA?


Likas sa ating mga Pinoy ang pagiging mapagmahal. Mula pa ng tayo’y isilang sa mundo, hinubog na ang ating mga isipan at pinuno na ang ating mga puso sa pagmamahal sa Dios, sa kapwa at sa mga bagay-bagay na may kaugnayan sa ating buhay. Dahil sa pagmamahal natuto tayong lumaban, makibaka at magbuwis ng buhay.

Si Ate Myrna nilisan ang Pilipinas dahil sa pagmamahal sa tatlong anak. 14 year-old pa lang siya nang matukso sa pag-ibig. Naging kabiyak sa murang edad. Nagkaroon ng asawang di marunong kumilala ng responsibilidad at umasa lang sa mga magulang. Nagmahal ng todo-todo ngunit sa kanya din pala ang huling hagulhol.

Nagsimula ang labis-labis na kalbaryo ni Ate Myrna noong isilang niya ang tatlo niyang anak. Noon din kasi sa panahong iyon, nagsimulang sa kabilang bahay na umuuwi ang kanyang asawa.

Wala man ang kanyang asawa ngunit itinaguyod ni Ate Myrna ang pagpapalaki ng kanyang mga anak sa sarili niyang diskarte. Kahit anong hirap ng matinong trabaho dinanas niya mabigyan lang ng maayos na buhay ang kanyang tatlong anak.

Nang magka-college na ang mga ito, nakipagsapalaran siya sa Saudi para matustusan ang kanilang pag-aaral. Nasa kolehiyo na kasi at lumalaki na ang mga pangangailangan nila. Limang taon siyang di umuwi sa Pinas. Ngunit lingid sa kanyang kaalaman na sa mga taong iyon, maraming nangyayaring di kaya tanggapin ng inang kulang sa pagmamahal sa anak.

Buntis ang anak niyang babae. Nagsisipag-asawa ang dalawa niyang anak na lalaki. Gumuho ang mundo ni Ate Myrna. Di niya lubos maisip na wala man lang nakapagsabi sa totoong istorya ng mga pangyayari. Kahit ang kanyang ina kung saan niya ipinaubaya ang kanyang tatlong anak ay di man lang nagawan ng paraang sabihin ang totoo. Buong akala niyang ang paghihirap niya sa Saudi ay magbubunga ng kasaganaan sa buhay nila. Makapagtapos ng kolehiyo ang kanyang mga anak, magkaroon ng marangyang trabaho at ng siya’y makapagpahinga na sa pagsisilbi sa mga taong di niya kalahi. Iyon pala’y mga pangarap lang na ang katumbas ay luha.

Duguan man ang kanyang puso ngunit di niya ginawang manumbat sa mga anak niya. Mahal niya ang mga ito’t tinatanggap niyang maluwag sa kanyang puso ang mga pangyayari. Nangyari na ‘yon at wala na siyang magagawa. Alam ng Dios na di siya nagpabaya sa kanila. Alam ng Dios na ginawa niya ang lahat para sa kanila. Suklian man siya ng kalupitan sa mundo di niya ito papansinin dahil ang alam niya’y mahal niya ang kanyang mga anak at lahat kaya niyang gawin para sa kanila.

Pagkalipas ng ilang taon, nilisan na naman ni Ate Myrna ang Pilipinas at tumungo ng Dubai. Dito namamasukan siya bilang isang kasambahay. Mababait ang nagiging amo niya. Ibang lahi man ang mga ito, ngunit may puso namang marunong magpapahalag ng kapwa tao. Sa loob ng dalawang taon, maganda ang buhay ni ate Myrna. Sa kanya pa rin umaasa ang kanyang mga anak kahit may mga pamilya na ang mga ito. Ngunit, para bang mailap sa kanya ang tadhana. Sumama siya sa kanyang kababayang tumakas mula sa amo nila. Walang magandang rason ang pagsama niya sa kanyang kaibigan kundi ang awa. Naawa kasi siya nito dahil nagka-problema ito sa kasamahan din nila sa bahay. Kung iisipin ang pagtakas nila ay hindi dahil sa mga amo nila.

Ngayon, patagong namumuhay si Ate Myrna. Nagpalabas man ng amnesty ang Dubai ngunit hindi siya sumuko. Ayon sa kanya, di pa kasi niya naiaayos ang kanya-kanyang buhay ng tatlo niyang anak. Kung kailan ito mangyayari ay di pa niya alam.

Sa pakipag-usap ko sa kanya, para bang napintig ang aking isipan sa katotohan. Ang isang ina’y kahit anong mangyari ay ina pa rin. At kahit ano mang dagok sa mundo ay kayang harapin para lang sa mga anak. Sana lahat ng mga ina katulad ni Ate Myrna. Sana ang mga anak din ay di aabuso. Kung nasabi ko man ito ay dahil sa nakaka-relate din ako sa istorya ni Ate Myrna. Noong nkaraang buwan, isinulat ko ang artikulong may pamagat na “Buhay OFW sa Dubai” posted on July 6, 2008, kung saan nailathala ito sa GMA. Sa artikulong ito, mababasa natin ang parapong ito:

Minsan nagdu-duda ka sa Pinas. May mga time kasi na tumatawag si Inay. ‘Wag lang daw kayong mag-alala sa kanila at maayos na man daw ang buhay nila. Nakabili na daw siya ng yero para sa bubong na sinalanta ng nagdaang bagyong Frank. Eto naman kasi si Frank ang tindi ng hagupit. At si Junior ang ganda-ganda daw ng grades, palagi daw first honor. Ang kapatid ko namang babae na si Mahinhin 4th year na daw sa college at magtatapos na sa kursong Nursing. Nakakatuwang marinig ang mga balitang ganito. Kahit papaano nagamit pala sa wasto ang perang padala. Pero paano kung ang binabalita sa‘yo ay lahat kasinungalingan? Paano kung ilang taon na pala si Junior sa grade one dahil sa pagiging bulakbol? Paano kung wala palang naipundar ang pera mong pinagkatiwala sa pamilya mo? Paano kung hindi na pala makapagtapos ng college si Mahinhin dahil nabuntis na ng boyfriend niya? Diba parang walang silbi din ang pangingibang bansa mo? Napakasakit isipin lalo na pag nabalitaan mong si mister ay sumakabilang bahay na. At ang perang padala mo ay pinanggastos niya sa kumare mo at ang mga anak mo ay wala man lang makakain.

Di ko inaasahan na naging totoo ang mga sinusulat ko. Ang kapatid kong babae, huminto na sa pag-aaral dahil buntis ng dalawang buwan. 17 year-old pa lang siya at tulad ni Ate Myrna malaki din ang pangarap ko sa kanya. Sadyang ganito ba ang buhay namin sa ibang bansa? Magkatugma? Magkapareho?

P.S.
Paumanhin po sa mga nagbabasa ng post na ito. Copy and paste lang po ito mula sa dati kong blog. Minabuti ko pong 'wag na lang ilagay ang link nito kasi gusto ko pong makalimutan na ito ng tuluyan at mag-concentrate na dito sa blogger. And one more thing, medyo busy pa kasi ako kaya pagtiyagaan lang muna ninyo ang post na ito..hehe