
Kaskas dito, kaskas doon. Pindot dito, pindot doon. Bili dito, bili doon. Ito ba madalas mong ginagawa noong unang tanggap mo ng credit card? Marahil, ito nga, kasi gawain ko din 'to.
Nakakatawa noong unang tanggap ko ng crdit card. Tawag agad ako sa customer service para ma-activate ito. Tatlong minuto lang activated na ang card ko. Punta agad ako sa ATM at sinubukan kong mag-cash advance. Ang bilis. Ang bilis maglabas ng pera ang ATM. Pagkatapos sinubukan ko namang bumili sa department store. Ang bilis din. Hindi tumatanggi ang cashier. Feeling ko dali-dali ng pera. Feeling ko lang 'yon. Medyo nabulag kasi ako sa katotohanan na ang credit card ay utang pa rin. At dahil ito ay utang, kailangan nating bayaran sa ayaw at sa gusto natin.
Sa Dubai, hindi mahirap kumuha ng credit card. Sa sobrang dami ng bangko dito, di mo na alam kung saan ka uutang. Lahat ng bangko ay nagpapautang - personal loans, car loans, overdraft facility, credit cards at iba pang loan. Simple lang ang collateral ng pautang dito - kung meron ka lang labor contract and your salary is within their specified bracket, pwedeng-pwede kang umutang.
Dahil dito, sobrang dami ng mga expats ang nalolong sa utang. Ang mga kababayan natin, kaliwa't kanan ang utang. Umaabot hanggang sampu ang credit card. Maliban sa credit card, meron rin silang personal loans. Kagaya ko, may personal loan at credit card ako sa citibank at may credit card din ako sa First Gulf Bank.
Maganda ang magkakaroon ng credit card. Sa panahon ng emergency pwede mo itong gamitin. Malayang-malaya kang makabili ng gusto mo.Pero sa kalaunan di mo alam na unti-unti ka na palang kinain ng credit card mo. Marami sa mga kababayan natin ang nagkaroon ng problema dito sa Dubai dahil sa credit card. Tulad halimbawa ni Ashley (
nagbabasa siya ng blog ko kaya hindi ko inilathala ang totoo niyang pangalan). Walo ang credit card niya mula sa iba't ibang bangko. Apat na beses na siyang nakulong dahil hindi siya nakabayad. Paano nga ba siya makakabayad kung ang sahod niya ay hindi sapat? Kaya tiis-tiis lang muna sa jail.
--------------------------------------------------------------------------------
Kamakailan lang pumunta ako sa Esprit sa may Dubai Festival Center. Binalak kung bumili ng longsleeve. Sa kasamaang palad hindi ko nabili ang gusto ko kasi hindi gumana ang card printer ng Esprit. Tatlong beses na ikinaskas ng cashier ang credit card ko pero hindi ito nagpi-print. Hindi naman daw decline ang response ng bank, hindi nga lang daw nagprint ang machine at dahil hindi ngprint hindi approved ang transaction ko. Tama ba ang narinig ko?
Nang tiningnan ko online ang statement ko after 2 weeks, nagri-reflect ang transactions ko sa Esprit. Tinawagan ko ang bangko at ang sabi nito nabayaran na daw nila ang Esprit. Sinabi kong hindi approved ang transactions na yon at paano nila binayaran ang Esprit eh wala akong perma sa cardslip. Binigyan nila ako ng approval number at sinabing kausapin ko daw ang Esprit. Pinuntahan ko ang Esprit at ang sabi nito hindi daw nila natanggap ang bayad ng bangko at nai-reversed na daw nila ang transactions na yon. Paano nila nasabing nai-reversed na eh hindi naireflect sa statement ko ang reversal entries nito?
First time ko lang maranasan ang ganitong fraud. Hindi naman masyadong malaki ang amount kaya lang, nakakairita kasi nagbabayad ka sa hindi mo nakukuhang produkto. Kaya ngayon ayoko nang gumamit ng credit card.